21/08/2026
Araw ni Ninoy Aquino: Pag-alala sa Sakripisyo ng Isang Bayani
Ilang beses pa kaya kailangang balikan ng mga Pilipino ang EDSA bago tuluyang matutunan ang
liksyon ni Ninoy Aquino?
Tuwing ika-21 ng Agosto, ipinapagdidiriwang ng Pilipinas ang Araw ni Ninoy Aquino, isang
Pambansang Special Non-working Holiday na nagpaparangal kay Benigno "Ninoy" Aquino Jr.,
isa sa pinakamahalagang martir na pulitikal ng bansa.
Bago pa man siya naging simbolo ng demokrasya, si Ninoy Aquino ay isang kilalang senador na
matapang na kritiko ni Pangulo Ferdinand Marcos Sr. noong dekada '70. Nang idineklara ang
Batas Militar noong 1972, siya'y ikinulong. Dahil sa sakit sa puso, pinahintulutan siyang lumipat
sa Estados Unidos. Noong 1983, nagpasya pa rin siyang bumalik sa Pilipinas, at doon, sa
paliparan ng Maynila, siya ay pinaslang.
Para sa isang bansang matagal nang pagod sa kahirapan, karahasan, at pang-aabuso sa ilalim ng
rehimeng Marcos, ang kanyang pagkamatay ang naging hudyat ng paglaban ng sambayanang
Pilipino— ito ang nagbigay daan sa People Power Revolution noong 1986, ang mapayapang
pag-aalsang nagpabagsak sa diktadura at nagpanumbalik ng demokrasya.
Apat na dekada matapos ang pangyayaring iyon, muling nakikita ang parehong diwa ng paglaban
sa kasalukuyan. Sa mga nagdaang buwan, milyun-milyung Pilipino ang lumabas sa EDSA at
iba't ibang lungsod para labanan ang korapsyon at ipaglaban ang tapat na paglilingkod ng
gobyerno, at hingin ang pananagutan mula sa mga responsable.
Ang mga rallies—ng mga estudyante at iba't ibang organisasyon—at kampanya sa social media
na humihingi ng katapatan at pananagutan ay patunay na buhay pa rin ang hamon ni Ninoy: na
ang tunay na kalayaan ay kailangan bantayan at ipaglaban araw-araw.
Nang tanungin kung ano ang koneksyon ng mga rally ngayon sa ipinaglaban ni Ninoy noon,
tahasang sinabi ni SCAA President Sharmagne Bacongallo na buhay pa rin ang parehong isyu—
ang korapsyon. Ayon sa kanya, magkaiba man ang mga namumuno ngayon, iisa pa rin ang
kanilang laging ginagawa: pang-aabuso ng kanilang kapangyarihan at maling paggamit ng pera ng bayan. “Kaya’t habang may korapsyon,” aniya niya, “mananatiling makabuluhan ang laban ni Ninoy Aquino at ang mga rally na nangyayari ngayon.”
Kaya't tuwing dumarating ang Agosto 21, hindi lang ito paggunita sa nakaraan. Ito rin ay tanong
sa bawat Pilipino ngayon: handa ba tayong ipagpatuloy ang sakripisyong ginawa ni Ninoy
Aquino, sa pamamagitan ng ating pagiging mapanuri, mapagmatyag, at tapat sa demokrasyang ipinaglaban niya? Simulan natin ngayon: lumahok tayo sa mga talakayan at gamitin natin ang ating boses, di lang sa paraalan, kundi pati na rin sa lipunan.
Artikulo ni Maya Dumayas
Pubmat ni Unica Navarro