28/05/2025
Noong ako'y bata pa, para magkabaon ay nagtitinda ako ng yema. Minsan isinama pa ako ng kapitbahay sa Calamba para magbenta ng kamatis at sibuyas. Hindi ko kailanman naramdaman ang pagod o sama ng loob sa mga ganitong gawain—bagkus, masaya akong nakakatulong sa pamilya.
Kahit pumanaw na ang aking mga magulang, wala silang iniwang mana, pero sagana ako sa alaala—yung mga simpleng sandaling magkakasama kami sa simbahan, sabay uuwi at sabay-sabay kakain ng sinabawang ulam. Tinatawag nila akong manalangin at parang "banal" ang paligid Pag nandun ako.
Ipinagmamalaki ko si Inay, masipag sa tahanan—kahit hindi nila ako napag-aral ng kolehiyo noon, hindi ko ito ipinagdamdam. Sa sarili kong pagsusumikap, nakapagtapos ako ng Kolehiyo noong 2019. Wala na si Inay noon, hindi na niya nasilayan ang aking pagtungtong sa entablado, pero ramdam kong kasama ko siya.
Ngayon, masaya akong ibahagi na ako'y nasa bagong yugto—ang pagiging isang negosyante. Dalawang taon akong lugi, walang kinikita, puro labas, puro libreng produkto para lang makilala. Pero hindi ako sumuko. Tuloy lang ang laban—dahil gusto kong ipakita sa aking mga anak at asawa ang aking kapasidad na lumaban, at magtagumpay.
Sa biyaya ng Diyos, malapit nang makapagtapos ang aking mga anak sa kolehiyo. Mayroon na rin kaming binubuong paupahan. At higit sa lahat, may negosyo kaming nagsisilbing kasangkapan para maipahayag ang kabutihan ng Diyos.
Ngayong darating na Mayo 31, ipinagdiriwang ko ang masaganang ani ng aming negosyo—hindi lang kita, kundi ang pagtitiwala ng mga taong sumusuporta sa amin.
Sa mga kabataan: Kung ikaw man ay nasa yugto ng pagsisimula o nasa gitna ng pagsubok—huwag kang susuko. Hindi hadlang ang kahirapan o kakulangan sa pag-abot ng pangarap. Sa tiyaga, pananampalataya, at sipag—darating din ang ani ng iyong paghihirap.
Sa aming mga suki at magiging suki pa: Salamat po sa tiwala at suporta. Makakaasa kayong ang bawat produktong aming iniaalok ay may kasamang layunin—ang maisulong ang gawain ng Diyos sa bawat tahanan sa bawat hapag kainan.
Salamat, Panginoon. Lahat ng ito ay dahil sa Iyo.