03/04/2026
Morion at ang diwa nito
Ngayon, Biyernes Santo, ang unang kumatok sa mabigat naming pintuan ay isang musmos—mga limang taong gulang sa tantiya ko—na hindi pa kayang hilahin ang glass door.
Pinagbuksan ko siya at tinanong, “Ano sa’yo?”
“Magkano po ang maskara ng Morion?”
“One hundred,” sagot ko. Napansin kong nag-alinlangan siya. "Magkano ba ang pera mo?”
Dahan-dahan niyang binuklat ang kanyang maliit na kamay. May isang 50-peso bill at ilang barya. Hindi ko man nakita ang kabuuan ng halaga, walang pag-aalinlangan kong sinabi—
“Sige, ayos na ’yan. Pili ka na.”
Tinulungan ko siyang pumili ng maskarang magugustuhan niya. Nang makuha na niya ang nais, iniabot niya ang kanyang bayad. Inassist ko rin siyang makalabas ng pinto… at nakita ko siyang tumakbo—bitbit ang bagong maskara at isang ngiting hindi matutumbasan.
Pagkatapos, binilang ko ang pera. 70 pesos. 100 pesos ang suggested retail price ng Morion mask—may iba pang nagbebenta ng mas mataas. Kulang pa iyon sa puhunan. Pero bakit ko tinanggap?
Bata. Kaligayahan. Morion.
Hindi ko ikakagutom ang kakarampot na barya.
Bakit hindi ko na lang ibinigay nang libre?
Dahil ang batang iyon ay may dignidad.
Hindi natin alam kung saan niya nakuha ang kanyang pera—maaaring pinag-ipunan, pinagtrabahuhan sa maliit na paraan, o reward sa pagiging good boy. Ang ₱70 na iyon ay hindi lang basta halaga—iyon ay kanyang pagpapahalaga at pagsisikap.
Ang tanggapin iyon bilang kabayaran sa bagay na gusto nya ay pagbibigay respeto sa kanyang pride at pagkatao. Ayokong maramdaman o maisip niyang naaawa lang ako sa kanya.
Hindi na ito ang unang pagkakataon. Sa nakalipas na taon, may ilang bata na ring kulang ang pera para sa Morion mask pero pinagbentahan pa din natin — pero ngayong araw, iba ang pakiramdam.
Dahil alam kong makakasabay ang batang iyon sa mga Morion na makikita sa mga kalsada ng Marinduque ngayong Semana Santa.
At sa pagsuot niya ng maskarang iyon,
sigurado akong mas lalo niyang mararamdaman—
✨ na siya ay "malaki" tulad ng ibang Morion
✨️ na siya rin ay bahagi ng tradisyon
✨ na siya rin ay maaaring maging matapang
✨ at na siya ay sapat
Minsan, ang tunay na diwa ng Morion…
hindi lang nakikita sa maskara,
kundi sa pusong marunong tumanggap at umunawa. Ang diwa ay pwede din magmula sa innocence ng isang bata. ❤️
- Mom ni M 😉