28/11/2025
At kung magkita man tayong muli,
hindi ko hihingin na ibalik
ang mga araw na nalusaw sa pagitan natin.
Titingnan lang kita—
hindi bilang alaala,
kundi bilang taong dumaan
at minsang naging tahanan.
At kung magtagpo man uli
ang mga mata nating napagod kakahintay,
hayaan na lamang natin ang katahimikan
ang magpaliwanag ng mga hindi nasabi.
Baka doon natin maunawaan
na hindi lahat ng pagbabalik
ay para ipagpatuloy—
minsan, sapat na ang muling pagkikita
para tuluyang makapagpaalam.
At kung magkita man tayong muli,
nawa’y pareho na tayong magaan:
hindi dahil nakalimot,
kundi dahil parehas nang naghilom.
—Mga Akda ko