12/04/2026
Nabigyan ng pagkakataon ang Mom ng Bayan na masaksihan ang palabas na “Gusto Ko ng Bumitaw” mula sa tanghalang Teatro B. Idinaos ang huling pagtatanghal ng season sa Hashtag Coffee – Capitol Site, na siya ring naging tahanan ng mga naunang pagtatanghal ng grupo.
Ang Gusto Ko ng Bumitaw ay binubuo ng tatlong one-act plays mula sa Ampalaya Monologues ni Sir Mark Ghosn. Sa ilalim ng direksyon ni Peregrine Santiago, at sa tulong ng production team kasama si Glenn Ramirez bilang Technical Director, binigyang-buhay ng Teatro B ang mga kuwentong puno ng relasyon, pagtatagpo, at pag-usad—mga karanasang binabalot ng bubog, takot, akala, hinanakit, at sakit.
Sa kabila ng bigat ng mga temang ito, nagawa ng Teatro B na ihatid ang mga kuwento sa paraang magaan ngunit tumatagos—mapanakit ngunit nakakaaliw. Madaling sundan ang bawat eksena, at hindi kinakailangan ng mahabang oras upang maramdaman ang kabuuan ng kanilang mensahe. Sa maikling panahon, nabusog ang mga manonood—pinatunayan ng tuloy-tuloy na palakpakan at halakhak matapos ang bawat dula.
Sa personal, naging mahalaga ang pagkakataong ito bilang pagbabalik-tanaw sa sining. Ang mapanood ang Gusto Ko ng Bumitaw ay tila isang pagpapanumbalik ng sigla—isang pahinga mula sa paulit-ulit na daloy ng araw-araw. Higit pa rito, nagsilbi rin itong paanyaya na muling sumubok at makilahok sa mundo ng sining.
Sa pagtatapos ng kanilang huling palabas para sa season na ito, nag-iwan ang Teatro B ng pangakong mas marami pang aabangang pagtatanghal. Inaasahang ilalabas ang mga opisyal na anunsyo sa kanilang mga social media platforms.
At sa huli, nananatiling malinaw ang mensahe ng dula:
Ang pagbitaw ay pagpili sa sarili
Mag-isa man, masaya o hindi,
Mahalaga’y sarili ang inuuna—
Nasaktan man, siyang tunay na malaya