29/08/2026
Ang lakas ng ulan, pero mas mabigat isipin na sa ganitong panahon, maraming pamilya ang muling lumulusong sa baha. Sa iba’t ibang lugar, lalo na dito sa Pampanga, may mga kababayan tayong hanggang ngayon ay stranded, binabaha ang bahay, at nangangamba kung hanggang saan pa tataas ang tubig. Oo, hindi natin kontrolado ang lakas ng ulan at bagyo. Pero hindi rin dapat normal na bawat malakas na ulan ay katumbas ng ganitong lawak ng pagbaha at pagdurusa.
Kaya hindi maiwasang itanong: Nasaan ang mga flood control projects na bilyon-bilyong piso ang ginastos? Kung maayos, tama at transparent ang paggamit ng pondo, bakit parang paulit-ulit pa rin ang ganitong eksena? Ang baha ay natural na kalamidad, pero ang kapabayaan, palpak na proyekto, at anumang korapsyon sa flood control funds ay gawa ng tao. Habang may mga kumikita, ordinaryong Pilipino ang nagbabayad. Sa bahay na binabaha, kabuhayang nawawala, at buhay na nalalagay sa panganib. Hindi dapat maging normal ang ganitong kalagayan. Pananagutan at tunay na solusyon ang kailangan.