13/09/2026
Patuloy ang pag-angat ng 12-year-old taekwondo athlete na si Vivienne Rae Tensuan matapos makuha ang sunod-sunod na podium finishes sa national competitions ngayong 2026, habang pinapalakas ang kanyang kampanya sa Poomsae under Wilt Valencia Taekwondo Martial Arts Academy.
Kinatawan ni Tensuan ang San Beda College Alabang nang masungkit niya ang gold medal sa Cadet High Blue Poomsae division sa National Interschool Taekwondo Championships na ginanap sa Ninoy Aquino Stadium noong August 30, 2026.
Isang linggo lamang ang lumipas, muling umakyat sa podium si Tensuan matapos mag-uwi ng silver medal sa Cadet High Blue Poomsae sa Best of the Best Taekwondo Championships sa Rizal Memorial Coliseum noong September 6.
Hindi lamang sa national stage nagpakitang-gilas ang batang atleta. Nag-uwi rin siya ng silver sa National Taekwondo Championship at bronze sa New Face of the Year National Taekwondo Championships.
Dagdag pa rito ang kanyang mga gold medal finishes sa Las Piñas Taekwondo New Face of the Year, Muntiparlas CPJ Taekwondo Championship, at 2026 Cavite Province Taekwondo Championships Team Poomsae. Sa Cavite tournament, nakakuha rin siya ng bronze sa Pair Poomsae at nagtapos na fifth sa Individual Cadet Blue Poomsae.
May international experience na rin si Tensuan matapos niyang makuha ang gold medal sa 11th DAEDO Taekwondo Open Championships sa Singapore noong December 2025.
Sa kabuuan, ang kanyang 2025–2026 campaign ay nagbunga ng 15 medals—7 gold, 3 silver, at 5 bronze, bukod pa sa ilang top-five finishes sa iba’t ibang competitions.
Mula sa Yellow Cadet division noong 2025 hanggang sa Blue Cadet ranks ngayong 2026, ipinapakita ni Tensuan ang steady progression sa bawat torneo.
Sa edad na 12, hindi lamang medals ang kanyang naiipon kundi mahalagang experience sa regional, national, at international competitions—isang matibay na pundasyon para sa kanyang pangarap na mas maitaas pa ang antas ng kanyang laro at balang araw ay mai-represent ang Pilipinas sa mas malalaking international competitions.