01/03/2025
Kwentong Street Food Ko:
Naaalala ko—pagkatapos ng klase, naglalakad ako pauwi mula sa school. May mga paborito akong spot ng street food na lagi kong binibilhan bago umuwi. Magtitira lang ako ng ilang barya para makakain.
Noong elementary, pisong kwek-kwek at 50 cents na fishball ang trip ko. Noong high school, medyo nagkabudget na, kaya nakakabili na ako ng leeg ng manok—10 to 15 pesos, depende pa kung saan. Noong college, iba pa rin ang busog at sulit na hatid ng pares. Sa dami ng binabayaran, ibang klase ang tipid na dala ng siomai rice, lalo na noong nagsisimula pa lang ako sa trabaho.
Oo, hindi laging malinis ang street food, at hindi rin lahat ng nagtitinda ay may kasiguraduhang maayos ang proseso ng pagluluto. Pero kahit may ganitong panganib, hindi pa rin natin maiwasang matakam.
Bakit kaya?
Siguro, bukod sa pagiging malasa at masarap, para sa mga katulad kong lumaking hindi ganoon kapalad, hindi lang sulit ang bawat baryang ibinabayad—binabayaran din natin ang convenience, ang pagkakataong ma-enjoy ito kahit saang kanto mo sila makita. At higit sa lahat, ito lang ang kaya kong bilhin noon. Magtira lang ako ng kaunting barya, solve na.
Sa pares, pwedeng humirit ng extra sabaw. Sa kwek-kwek, may kalayaang maglagay ng pipino at aromatics. Sa calamares at proben, pwede mo itong lunurin sa s**a habang sinasandok ang mga sumamang sibuyas. Minsan nga, dinidiskartehan ko pa ang mga nalaglag na breading mula sa pagprito—pag pinagsama-sama, pwede na ring ulam.
Kung iisipin, hindi lahat ng street food ay malinis, hindi rin lahat ay masarap o para sa lahat. Pero para sa akin, the best pa rin ang experience na ‘to. Kapag may extra budget, nag-uuwi pa ako para gawing ulam at isinasausaw ang mainit na kanin sa sarsa.
Dahil dito, sinimulan ko ang Amara’s Street Feast. Gusto kong balikan ang panahong kasama natin ang ganitong pagkain. It humbles me and makes me feel blessed. Ngayon, nirevive ko ito—at katulad ko, sumasabay rin ito sa mga pagbabagong dumating sa buhay ko.
It’s not just food that sustained me—it’s food with history, and it’s food that will shape my future.
Ikaw, anong kwentong street food mo? Patuhog naman! 🫡