06/05/2026
PAGPAPAKUMBABA SA PANAHON NG TAGUMPAY
Bilang mga negosyante na galing sa wala, lahat ay gagawin natin sa malinis na paraan para lang mag tagumpay at umangat sa buhay.
Madaming hadlang at tiisin, bukod sa walang malaking puhunan, kasama pa diyan ang mga mahal mo sa buhay na kinukutya ka sa panahon na nag uumpisa ka.
Maraming taon na sakripisyo, maitawid lang ang negosyong sinimulan sa paniniwala na magkakaron din ng inaasam na tagumpay at kaginhawaan sa buhay.
Lumipas ang maraming taon ng sakrispisyo, nakamit ang tagumpay na inaasam. Ngunit kasabay ng pag angat sa buhay ay pag angat din ng pag-iisip, pag kukumpara sa ibang tao at pagtaas ng pagtingin sa kanyang sarili.
Iniisip nya na mas mahusay at higit siya sa iba. Palaging kinukumpara ang sarili sa iba sa kadahilanang nabili nya na ang mga pangarap niya sa buhay tulad ng bahay at sasakyan. Na kesyo, ang ibang negosyante mas mahabang taon na nag nenegosyo kaysa sa kanya ngunit nananatiling walang sariling ipon, bahay at sasakyan.
Ang akala natin ay ang panahon ng kahirapan ang susubok sa atin para umangat, ngunit hindi natin namamalayan na mas malaking pagsubok pala kung kailan nasa taas na tayo at nasa atin na ang tagumpay.
Maraming negosyante ang hindi aware sa kanilang sarili na unti-unti na silang nagbabago ng kilos at pananalita lalo na patungkol sa ibang tao. Ito ang isang common na dahilan kung bakit bumabagsak ang maraming matagumpay na negosyante.
Hindi masisira ang nakasulat sa banal na aklat na ang taong mapagpakumbaba ay iaangat ng Diyos na kapanahunan at ang taong mapagmataas naman ay ibabagsak ng Diyos sa kapanahunan.
Naalala ko ang sinabi ng isang Church Leader na dapat sa panahon ng pagtatagumpay ay para tayong palay, habang nagkakaron ng laman ay lalo tayong matutong yumuko.
Lahat ng tagumpay natin ay galing sa Makapangyarihang Diyos, kasangkapan lang tayong mga negosyante para itagos Niya ang mga biyaya mula sa kanya para sa ibang mga tao.
Kaya, mas pillin nating maging tahimik at magpakumbaba sa lahat ng panahon lalo na sa panahon ng tagumpay.