20/08/2026
008: HUWAG MO NGA AKONG TINATAKOT.
Naalala ko 'yung kinuwento ng naging katrabaho ko noon na babae. Factory worker daw ang unang trabaho niya. Sa isang pabrika ng kilalang chichirya mula pa noong 90's.
Medyo luma na raw ang gusali. Gutay-gutay ang mga dingding sa loob ng opisina—na sinasagip na lang ng mga kalendaryo ni Ara Mina, Francine Prieto, at iba pa. Hinihika na ang window type na aircon. At parang sangkot sa climax ng lumang Pinoy action film ang warehouse, dahil tadtad na raw ng butas ang bubong na para bang niratrat ng armalite ni George Estregan.
Sa packaging section siya naka-assign. Mahigit bente sila sa isang mahabang pasilyo. May kanya-kanyang cubicle para iwas tsismisan. Na hindi pa rin naman daw naging hadlang.
Minsan daw inobliga silang mag-over time dahil may bagong area na babagsakan ng batch. May kanya-kanyang quota sila. Hindi naman daw nakakainip dahil ka-close niya yung nasa katabi niyang cubicle. Si Lyka. Lagi raw silang magkakuwentuhan, kahit may dingding na nakaharang sa pagitan nila at hindi kita ang isa't isa.
Noong lumalalim na ang gabi, nararamdaman nilang pakonti na sila nang pakonti sa packaging line. Ibig sabihin, tapos na 'yung iba. May mga nagdadampot ng kagamitan. Tatayo. Lalakad-palabas. Pero hindi nila pinapansin. Kuwentuhan lang sila nang kuwentuhan.
Mabagal din daw kasi talaga magtrabaho si Lyka dahil maligalig. Panay ang tayo. Pupunta sa banyo. Makikipagdaldalan sa ibang cubicle. Tapos babalik sa upuan para siya naman ang daldalin. Paulit-ulit. Mga dalaga naman daw sila at walang naghihintay sa pag-uwi, kaya hindi raw kailangan magmadali.
Mula sa topic tungkol sa lovelife, hindi niya raw maalala kung paanong lumiko sa katatakutan ang usapan. Tinanong siya kung na-encounter niya na ba 'yung doppelganger sa locker room. Sinagot niya nang hindi pa.
Ang kuwento, nagsimula raw 'yun noong may namatay na bata habang ginagawa pa 'yung bubong ng pabrika. Anak ng isa sa mga construction worker. 7 years old lang. Nabagsakan ng malaking trusses. Pahampas na tumama sa ulo. Dead on the spot.
Sa area raw ng locker 'yun madalas magparamdam. Dahil doon daw nakapuwesto 'yung barracks noon. Kinikilabutan na siya kaya sinaway niya na si Lyka. Sinabihan niya 'to na "huwag mo nga akong tinatakot." Pero nang sawayin niya 'to, nagtaka siya dahil biglang tumahimik. Hindi na sumagot. Wala na rin siyang naririnig na tunog ng plastic sa kabilang cubicle.
Tumayo siya para silipin 'yung cubicle ni Lyka. Nanlaki ang mga mata niya. Gumapang ang lamig sa batok at namanhid ang mga pisngi niya. Wala nang tao. Nakasalansan na 'yung mga gamit nito. At siya na lang pala mag-isa sa buong packaging line. Imposible namang segundo lang e nakalabas na si Lyka. Kung gano'n sino 'yung kausap niya kani-kanina lang?
Hindi niya raw malaman kung ano'ng gagawin niya no'n. Pinawisan siya nang malamig at hindi makagalaw sa sobrang takot.
Pero alam n'yo kung nando'n ako, ipapayo ko na lang na mula ngayon puwede na kayong magpadala ng kuwento sa 'kin. Lahat ng mga nakakatakot na karanasan n'yo at encounters. Send n'yo lang via PM sa page na 'to.
Wala lang. Para lang may segment tayo rito. Pag-usapan natin 'yang mga creepy experiences n'yo na 'yan. Tingnan natin kung alin ang mas nakaka-palpitate. Kape namin dito sa Kapihan By Yellow Hat o 'yung kuwento n'yo.