07/11/2025
𝐁𝐀𝐁𝐀𝐋𝐀 𝐒𝐀 𝐏𝐔𝐁𝐋𝐈𝐊𝐎 𝐒𝐀 𝐏𝐀𝐆𝐃𝐀𝐓𝐈𝐍𝐆 𝐍𝐆 𝐒𝐔𝐏𝐄𝐑 𝐓𝐘𝐏𝐇𝐎𝐎𝐍 𝐔𝐖𝐀𝐍
𝘚𝘦𝘯. 𝘙𝘢𝘧𝘧𝘺, 𝘴𝘪𝘯𝘪𝘨𝘶𝘳𝘰 𝘢𝘯𝘨 𝘬𝘢𝘩𝘢𝘯𝘥𝘢𝘢𝘯 𝘯𝘨 𝘪𝘣𝘢’𝘵 𝘪𝘣𝘢𝘯𝘨 𝘢𝘩𝘦𝘯𝘴𝘺𝘢 𝘣𝘢𝘨𝘰 𝘪𝘵𝘰 𝘮𝘢𝘯𝘢𝘭𝘢𝘴𝘢
Matapos hagupitin ng bagyong Tino ang mga probinsya sa Visayas at Mindanao, maging ang Palawan, inaasahan namang papasok ngayong gabi, Nov. 7, sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang bagyong Uwan – na ayon sa PAGASA ay posibleng maging Super Typhoon category sa darating na Sabado o Linggo.
Kaya agad na nakipag-ugnayan ang tanggapan ni Sen. Idol Raffy Tulfo sa Senado sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno para humingi ng detalye sa kanilang mga plano at para tiyakin ang kanilang ginagawang paghahanda sa pagdating ni “Uwan”.
𝐏𝐀𝐆𝐀𝐒𝐀
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Munir Baldomero, inaasahang mag-la-landfall ang bagyong Uwan sa hilagang bahagi ng Aurora province at sa katimugan naman ng mga probinsya ng Isabela at Cagayan Valley. At base sa storm tracking ng ahensya, tutumbukin din ng bagyo ang Ilocos region, Central Luzon at Cordillera Administrative Region (CAR).
Tinatayang nasa 200 millimeters ang dami ng ulan na dala ng bagyong Uwan at maaaring itaas sa signal no. 5 ang wind signal nito dahil sa lakas ng hagupit ng hangin nito. Kaya kailangan daw paghandaan ang malawakang pagbaha, landslides, at storm surges.
𝐍𝐃𝐑𝐑𝐌𝐂
Sa panayam naman ng Senate team ni Sen. Raffy sa tagapagsalita ng Office of Civil Defense (OCD) na si Junie Castillo, sinabi nito na nakataas na sa red alert status ang National Disaster Risk Reduction and Management Council bilang paghahanda sa pagdating ng bagyong Uwan.
Paliwanag ni Castillo, sa Metro Manila, ang 50 millimeters na dami ng ulan sa loob ng 30 minutes ay kaya nang maging sanhi ng baha. Kaya ang inaasahang 200 millimeters na ulan na idudulot ni Uwan ay kailangang lubos na paghandaan.
Gayunpaman, naka-standby na raw ang lahat ng ahensya ng gobyerno para sa mabilis na inter-agency coordination at deployment manpower and resources.
Paalala niya, dapat ay tumutok at maging updated sa balita ang publiko gayundin na huwag magdalawang-isip tumawag sa main emergency hotline 911 sakaling kakailanganin na magpasaklolo.
𝐃𝐎𝐓𝐫
Kinausap din ng tanggapan ni Sen. Tulfo si Department of Transportation (DOTr) Assistant Secretary for Communications Maricar Bautista. Ayon kay Bautista, magpapatupad ang Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Ports Authority (PPA), at Cebu Ports Authority (CPA) ng “no sail” policy sa mga lugar na tatamaan ng bagyo.
Bukod pa rito, inatasan din daw ni Sec. Giovanni Lopez ang buong DOTr at attached agencies nito na maghanda sa posibleng epekto ni Uwan sa mga komyuter at pasahero. Inobliga ni Lopez ang PCG, LTO at LTFRB na ihanda ang deployment ng mga bus, truck at vessel para makatulong sa mabilis na evacuation ng mga residente at maghatid ng relief goods sa oras na kailanganin.
Inatasan din ni Lopez ang aviation at maritime sector agencies gaya ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), Manila International Airport Authority (MIAA), Clark International Airport Corporation, Maritime Industry Authority (MARINA) at Mactan-Cebu International Airport Authority (MCIAA) na maghanda ng pagkain, inumin at medical assistance sakaling may mga pasaherong ma-stranded.
Dagdag pa rito, inobliga rin daw nito ang Civil Aeronautics Board (CAB) na tiyaking ipatutupad ng airlines ang “no rebooking fee policy, no additional charges at immediate refunds” sa mga pasaherong maaapektuhan ng flight cancellations, kung naisin man nila.
𝐃𝐀
Sinabi naman ni Department of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., na nakahanda silang magbigay ng libreng repairs sa mga bangka ng mga mangingisda partikular na ang payao repairs at pagbibigay ng fishing nets sakaling maapektuhan ang mga ito ng paparating na bagyo.
Para sa mga magsasaka naman, kapag insured at tinamaan daw ang kanilang mga pananim ng bagyo, ay i-aassess agad ito ng DA. Sisikapin din daw ng ahensya na makapag-isyu ng tseke sa magsasaka sa loob ng 21 days para makabili ng panibagong mga pananim at pataba para sa replanting.
𝐏𝐂𝐆
Sa pakikipag-usap naman ng opisina ni Sen. Raffy kay PCG Deputy Chief of Coast Guard Staff for Operations Captain Dann August A. Cariño, sinabi niyang may nakahanda na raw silang 97-meter na barko na may dalang 10,000 family food packs mula sa DSWD na ready for distribution. Dagdag pa rito ang mga karga nitong SOS at medical teams sakaling mangailangan ng assistance ang lugar na kanilang pupuntahan.
Kasalukuyan na rin daw silang nagsasagawa ng malawakang information dissemination campaign sa mga coastal community areas para makapaghanda at hindi makampante ang mga residente roon.
𝐃𝐈𝐋𝐆
Ayon kay DILG Undersecretary for Local Government Marlo L. Iringan, naglabas na ang ahensya ng Advisories simula noong November 4, 2025 na pinapaalalahanan ang mga mayor sa mga preparedness measures na gagawin tulad ng pagpulong ng kanilang Local DRRM Council para sa Pre-Disaster Risk Assessment para pag-usapan at aksyunan ang mga magiging epekto ng bagyo.
Tiniyak ng DILG na sapat ang kapasidad ng ating mga LGUs upang tugunan ang mga pangangailangan sa baha, partikular na ang paghanda ng mga evacuation centers kung saan may naka-standby nang family food packs at iba pang mga basic necessities para sa mga pamilyang nakatira sa komunidad na malapit sa baybayin, prone sa landslides, at mga areas na madaling masira ng malalakas na bugso ng hangin.
𝐃𝐒𝐖𝐃
Sa panayam ng opisina ni Sen. Raffy kay DSWD Director for Response Management Bureau Maria Isabel Landa, sinabi nitong nakaalerto na ang lahat ng kanilang Quick Response Teams sa kanilang Regional Field Offices at naka-preposition na rin ang tinatayang nasa 1,308,654 family food packs at 124,563 non-food items na pawang mga nakadistribute sa DSWD Field Offices Regions NCR, 1,2 3, CALABARZON, MIMAROPA, 5, 6, 8 at Cordillera Administrative Region.
Binigyang-diin din ni Landa ang kahalagahan ng hinanda nilang mga ready to eat food packs para rin sa mga magiging Locally Stranded Individuals (LSIs) at Internally Displaced Persons (IDPs). Ibinida rin niya ang standby funds at total stockpile ng ahensya na nagkakahalaga ng humigit kumulang ₱1.1 bilyon.
𝐋𝐆𝐔
Kinuha rin ni tanggapan ni Idol ang pagkakataon na kamustahin ang preparasyon ng mga Isabeliños sa pangunguna ni Gov. Rodolfo Albano III.
Ayon kay Albano, hinahanda na nila ang mga pumpboats ng kapitolyo gayundin ang pagimbak ng mga bigas, pagpupulong ng mga disaster teams at medical personnel.
Sa pakikipag-ugnayan ng Senate team ni Sen. Idol kay Aurora Vice Gov. Patrick Angara, sinabi niyang may direktiba na mula kay Gov. Isidro Galban para sa mga pre-positioned food packs, equipment at disaster personnel sa mga kritikal areas sa kanilang lalawigan.
Nagdeklara na rin ng cancellation ng mga klase sa Lunes ang pamahalaang panlalawigan. Pansamantala ring ipatitigil ang anumang aktibidad panturismo at ang pangingisda.
MAHIGPIT NA PAALALA SA PUBLIKO:
Hangga’t maaari ay manatili sa ating mga tahanan lalo pa’t kung hindi naman importante ang lakad o pagbiyahe saan man. Manatiling nakatutok sa pinakasariwang balita. Huwag kalimutan mag-charge ng mga baterya. At higit sa lahat ay sumunod sa payo ng mga awtoridad.