26/09/2021
Lord you are good! Thank you for your best plan for our family!π
REMEMBERING THE FIRE | THE BIRTH OF BEAUTY FROM ASHES
(Reflection by Joanne Casalla)
Isang taon na pala....
May mga bagay na gusto ko na lang kalimutan. Ngunit sadyang parte ng aming kasaysayan.
Isang taon na ang nakalilipas nung nasunog ang bahay. At sa loob ng isang taon na yun ay araw araw akong lumalaban - nilabanan ang takot na dinulot ng pagharap sa apoy na naglagay sa anak ko sa panganib. Nilabanan ang pangamba nang kung may matitirahan pa ba kami. Nilabanan ang lungkot at sakit nang araw araw na abo at uling ang nakikita mo sa paligid. Bukod dito ay ang pag iisip kung saan ba kami magsisimula, at paano? Nilabanan ko din ang mga kasinungalingan sa isip ko na nagsasabing, "Sana may nagawa ako para pigilan ang apoy".
Pero, isang umaga, sa gitna ng uling at abo, may lakas at pag asa na ibinigay sa akin ang Diyos - BEAUTY FROM ASHES.
Ang Diyos ang nagpadala sa amin ng lahat ng kinailangan namin para muling mabuo ang aming bahay. Naranasan at nasaksihan namin ang kamangha-manghang pagkilos Niya!
Nabuo ang bahay....
Ngunit nanatili ang puso ko sa sunog. Nung una, akala ko yung bahay lang ang tinutukoy ng Diyos na bubuuin Niya. Pero...
Ako din pala.
Sa loob ng nakaraang isang taon, pinaranas sa akin ng Diyos na hindi ako nag iisa. Habang nakasubsob ang puso ko sa pangamba, matiyaga Siyang naghintay at sinamahan ako sa aking pagluluksa. Tinulungan Niya ako na ibaling ang aking paningin sa pag ibig at kabutihan Niya. Binigyan Niya ako ng lakas para mas lalong magtiwala sa Kanya. Sa gitna ng kadiliman na dinulot ng sunog, ng abo at uling sa puso ko, mas naging matingkad ang ningning ng liwanag na dulot ng pagliligtas, pag ibig, at katapatan ni Kristo.
Maihahalintulad sa ganda ng kislap ng mga bituin sa madilim na kalangitan sa pagsapit ng gabi - mas maganda nga lamang ang pagsulong ng pagkakakilala ko kay Kristo na aking Panginoon.
Oo, may mga bagay na sana nga ay pwede na lang natin kalimutan. Pero, hindi kaya eto ang mga bagay na maaaring mag-udyok sa atin na hanapin ang mga bagay na hindi kayang masunog sa apoy? Sa karanasan ko, sa loob ng nakaraang isang taon, lagay ang loob ko sa natutunan ko:
Wala sa mundong ito ang sasapat at magbibigay ng kaganapan sa puso- tanging si Kristo lamang.
To all who mourn in Israel, he will give a crown of beauty for ashes, a joyous blessing instead of mourning, festive praise instead of despair. In their righteousness, they will be like great oaks that the Lord has planted for his own glory.
Isaiah 61:3
(Oil canvass painting by Nathan Casalla)