24/05/2026
Mariing tinutulan ng Federation of Free Farmers (FFF) ang pagpapalawak ng minimum access volume (MAV) para sa imported na karne ng baboy.
Ito ay matapos aprubahan ng pamahalaan ang pagtaas ng MAV mula 50,000 metric tons tungo sa mahigit 200,000 metric tons sa ilalim ng Executive Order No. 62.
Sa panayam ng Brigada NewsFM Manila kay FFF National Manager Raul Montemayor, idiniin nitong hindi kailangan magtaas ng MAV dahil kahit lumagpas sa MAV quota ay maaari pa ring mag-import ng walang limitasyon basta magbayad ng mas mataas na taripa.
Ayon kay Montermayor, hindi kakulangan sa suplay ang pangunahing problema kundi ang mataas na presyo ng baboy sa merkado at malaking kita ng ilang importer.
Kinuwestiyon pa ng grupo ang plano ng gobyerno na direktang mag-angkat ng karne ng baboy para ibenta sa Kadiwa outlets, kung saan magiging kakompetensya pa umano ng pamahalaan ang mga lokal na hog raisers sa halip na tulungan silang makabangon mula sa epekto ng African swine fever (ASF).
Giit ng FFF, mas dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang agarang pag-apruba at pagpapalaganap ng ASF vaccine upang mapalakas muli ang lokal na produksyon ng baboy at mabawasan ang pagdepende sa imported na karne.