30/07/2026
Nagsimula ang Good Food bilang tugon ng ilang mga consumer matapos mamulat sa matinding kagutuman ng ating mga magsasaka. Ang mga taong nagseseguro ng pagkain ng mga Pilipino araw-araw—sila ang nagugutom at naghihirap, nagkakasakit at nababaon sa utang. Hindi alam ng karamihan ng mamimili, lalo na dito sa siyudad, ang masakit na kabalintunaan na bumabalot sa buhay ng mga nagpapakain sa atin.
Kaya nang inimbitahan kami at ilan pang mga consumers na bisitahin ang mga babaeng bilanggong politikal sa CIW, kung saan ilan ay mga magsasaka, sumama kami. Bahagi ng gawain ng Good Food ang malaman at maibahagi sa mas maraming consumers ang totoong kalagayan ng agrikultura sa bansa—at ang nangyayari sa mga magsasaka na nagsusulong ng alternatibo sa umiiral na sistema.
Sa aming salu-salo, nalaman namin kung gaano katindi ang militarisasyon sa kanayunan, ang panreredtag at pagpapalayas sa kanilang mga sakahan. Dahil ipinaglaban nila ang kanilang mga lupain sa mga nangangamkam, dahil sa kanilang paghamon sa mapanupil na estado, dahil nanindigan sila sa kanilang mga kahingian na hindi naman pangsarili kundi pangkalahatan, sinampahan sila ng gawa-gawang kaso, tinanggalan ng karapatan, at ikinulong. Marami na ring pinatay na mga kasama, o patuloy na nawawala.
Walang tigil ang panggigipit. Ngayon gustong gawing iligal ang mga matagal nang nakagawian tulad ng palitan at pagtatabi ng binhi ng ating magsasaka. Binabansagang terorista ang lumalaban sa malawakang green grabs sa rice granary ng Central Luzon at ibang bahagi ng Pilipinas na pinagkukunan natin ng pagkain. Ginagawang krimen ang karapatan nating labanan ang imperyalistang pangangamkam ng ating mga rekurso.
Sa kanilang mga kwento ng buhay sa loob ng kulungan, kitang-kita ang katatagan ng mga bilanggong politikal, ang hindi matitinag na pagmamahal sa bayan, ang tapang at pag-asa habang nasa pansamantalang mundo patungo sa bagong binubuo. Walang sino man ang dapat makulong dahil dito. Ang makatarungang panindigan ay sagradong karapatan na dapat ingatan.
Ginagamit ng estado ang mga bilanggong politikal para takutin ang mamamayan, busalan ang ating oposisyon sa kalupitan at pagsiwalat ng katotohan. Nais nitong sugpuin ang kolektibong pagsisikap na magkaroon tayo ng sariling pagpapasya, hindi lamang pagdating sa pagkain kundi sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Kaya para sa Good Food, mahalaga na makibahagi ang ordinaryong mamimili sa kilusang nagsusulong ng makatarungang sistema, ng pagbabago.
Kasama ang aming buong komunidad ng Good Food, nakikiisa kami sa panawagan na ibasura ang lahat ng gawa-gawang kaso laban sa lahat ng bilanggong pulitikal. Ang kanilang pagkabilanggo ay atake sa karapatang pantao at salakay sa prinsipyo ng demokrasya, at kailangan gawing prayoridad ang kanilang pagpapalaya.
Palayain ang lahat ng mga bilanggong pulitikal! Ibagsak ang imperyalismo! Tuloy ang laban para sa karapatan ng mamamayan!