18/12/2025
Naway lagi mauna isipin ay ang para sa ikabubuti ng mamamayan ng San Pablo.
PATAY ANG ISANG BAYAN NA WALANG PANGARAP
Sa ikatlong pagkakataon, muling naantala ang pagtalakay at pag-apruba ng Annual Investment Plan (AIP). Ang patuloy na pagkaantala nito ay hindi na simpleng teknikal na usapin, kundi isang desisyong may malinaw at direktang epekto sa buhay ng mga mamamayang San Pableño.
Ang pagkaantala ng AIP ay nangangahulugan din ng pagkaantala ng taunang badyet para sa taong 2026. Kapag walang AIP, walang malinaw na direksyon ang paggastos ng lungsod. Dahil dito, maantala ang mga programang hinihintay ng mamamayan—mga imprastraktura, modernisasyon ng mga pagamutan, rehabilitasyon ng mga paaralan, at iba pang mahahalagang serbisyong panlipunan.
TALO NA NAMAN ANG MGA MAMAMAYAN
Mahalagang tandaan na ang pagtalakay sa AIP ay saklaw ng Committee on Finance and Appropriations, Malaki ang papel ng komiteng ito sa pagtitiyak na ang AIP ay napag-aaralan nang maayos, napapanahon, at hindi nagiging dahilan ng hindi kinakailangang pagkaantala ng serbisyo publiko.
Direktang paalala sa Konseho: hindi dapat maging hadlang ang mga pangarap para sa lungsod upang ipagpaliban ang Annual Investment Plan. Ang AIP ay malinaw na nahahati sa dalawang bahagi:
Mga programang agarang kayang pondohan ng taunang badyet;
at
Mga pangarap at long-term development plans na maaaring maisakatuparan kahit walang agarang pondo, sapagkat ang pondo ay maaaring magmula sa hindi inaasahang sources tulad ng national government assistance, grants, at donors.
Kahit pa may mga planong tila mahirap unawain o mukhang imposible sa paningin ng ilan, hindi ito dahilan upang ipitin o ipagpaliban ang buong AIP. Ang pagsasama ng mga planong ito sa AIP ay hindi awtomatikong pagpapatupad, kundi paghahanda.
Mahalagang linawin: ang AIP ay hindi “isang pases” upang ipatupad ang mga proyekto nang hindi dumaraan sa Sangguniang Panlungsod. Kahit maipasa ang AIP ngayon, bawat proyekto ay daraan pa rin sa masusing pagsusuri, deliberasyon, at hiwalay na pag-apruba ng Konseho sa tamang panahon.
Kung gayon, malinaw ang tanong sa Konseho:
Bakit kailangang patagalin ang AIP kung ang bawat proyekto ay susuriin pa rin ninyo sa hinaharap?
Ano ang tunay na dahilan ng patuloy na pagkaantala?
Ang inaayawan ba rito ay ang pangarap para sa lungsod—o may iba pang dahilan?
Ang AIP ay plano, hindi pa implementasyon. Ngunit kung wala ang planong ito, wala ring malinaw na direksyon ang kaunlaran ng San Pablo.
Kaya ito ang malinaw at tuwirang panawagan:
Ipatupad ang tungkulin. Igalang ang proseso. Ipasa ang Annual Investment Plan.
Huwag ipagkait sa mga mamamayang San Pableño ang pagkakataong umunlad. Ang kaunlaran ay hindi dapat inaantala—lalo na kung handa na ang plano.
TANDAAN: Naging madali ang pagpapasa ng pondo noong nakaraang administrasyon. Ang dahilan ba nito ay wala itong mga magagandang mga pangarap na nakapaloob?