07/02/2026
Ang dragonfly at damselfly (Odonata) ay madalas gamitin ng mga scientists bilang ecological indicators dahil ang kanilang buhay ay nakadepende sa tubig at lupa. Ibig sabihin, kung may pagbabago o pagkasira sa kapaligiran, mabilis silang maapektuhan na kayang ipakita ng kanilang uri, dami, at komposisyon sa isang ecosystem.
Bakit sila mahalagang indicator? Ang larvae nila ay nabubuhay sa tubig, habang ang adult ay sa lupa at hangin. Sensitibo sila sa polusyon, pagkasira ng habitat, at pagbabago sa lupa at tubig. Ang kombinasyon ng mga species ay maaaring magpakita kung malusog, degraded, o polluted ang ecosystem.
Pero mahalagang tandaan na hindi sapat ang presensya lang ng dragonfly para sabihing healthy na agad ang ecosystem. Hindi lahat ng species ay pare-pareho ang sensitivity. May mga species na kayang mabuhay kahit polluted o disturbed ang lugar. Kaya kung “may dragonfly” lang, hindi pa iyon sapat na ebidensya. Mahalaga na makuha ang kumpletong datos ng species composition (kung anong mga uri ang present), biotic indices (tulad ng Dragonfly Biotic Index), body size, etc. Hindi ang dami ng species lang, kundi kung alin-alin ang magkakasamang lumilitaw.
Tandaan din na iba’t ibang lugar, iba’t ibang sukatan. May mga indicator na gumagana sa kagubatan, pero hindi epektibo sa damuhan. Kaya kailangang pumili ng angkop na index depende sa ecosystem.
Hindi rin inirerekomenda ang paggamit ng iisang species lang bilang indicator lalo
na sa malawak na lugar at mahabang panahon. Mas mahalaga ang kombinasyon ng species.
Ayon din sa pag-aaral, ang adult dragonflies ay epektibong indicator ng metal pollution (tulad ng lead, arsenic, mercury). Lahat ng species, maliit man o malaki, ay maaaring gamitin para matukoy ang kontaminasyon sa kapaligiran
Sa madaling salita, ang dragonflies at damselflies ay mahusay na ecological indicators bilang grupo, pero hindi sapat sa kanila lang umasa. Kailangang tingnan ang uri, laki, kombinasyon ng species, at konteksto ng lugar para masabi kung tunay na malusog o nasisira ang ecosystem.