10/08/2026
Ngayong Buwan ng Wika, nais naming magbahagi ng isang kuwento kung saan nagsimula ang lahat—sa isang kusina, sa tag-ulan, at sa isang Itay na marunong magluto nang pakiramdaman lang.
**********
GINULAY NA MAIS NA MAY MAMARANG
Marami akong fond memories sa tag-ulan. Nasa top 3 ko ang umagang inihatid ang commanding image ng Itay ng magdamag na kulugan. Nakapandong ng plastic ng abono, nakabota, may taklis na itak at iniaabot sa akin ang sumbrero nyang buli. Parang bag ni Mary Poppins ang sumbrero ng Itay. May mais na gugulayin, luya, talbos ng margoso, ilang nagkikisihang ulang at dalawang dakot na kabute.
Kaya ko pang alalahanin kung paano magluto ng ginulay na mais ang Itay. Kilala ko pa ang lagitikan ng murang mais habang kinakayas ng itak. Magpitpit ka nga ng luyang kaya mong kimilin at pakuluan mo sa kaserola. Pag natakas na ang luya, ihuhulog na nya ang mais, mamarang, ulang, aasnan, saka lagyan ng talbos ng margoso, tatakpan at aawatan.
Gusto kong isipin na ako ang paboritong sous chef ng Itay. Short and succint ang kanyang mga marching order na susuklian ko naman ng kutata hanggang matapos ko ang task. Minsan sasagot sya, madalas ay hindi. Minsan ay napapatawa sya, minsan naman ay "tsk, dali-dali, aa sige ang daldal".
Sya ang master ng instinctive cooking na syang minana kong style sa pagluluto. Walang sukat, walang takdang tagal, walang bilang. Kumuha ka ng gatong sa likod, yung kaya mong yapusin, kasinglaki ng binti mo. Tubigan mo ang kaserola, hanggang pulso mo. Gatungan mo ang nakasalang hanggang hindi mo na kaya ang init sa pisngi mo.
Habang pinapanuod ko syang magluto, itatanong ko naman sa kanya ang bagay na napapanaginipan ko, mga bagay na alam kong Tatay laang ang makakasagot. Bakit hindi na laang alisin ang tukod ng garahe ni Kakang Esther kung dun sa bubong natambay ang kapre. Bakit hindi ba napapalutan ang nuno sa dami ng nakikiihi? Gaano karaming kuto ang kulang para mailipad ako papuntang Kaylangis. Bakit may sundalong nagmamartsa sa bayan, natulog naman ako ah.
Naaalala ko ang Itay pag maulan. Ang mga words of wisdom nyang praktikal at philosophical. Dahil ayaw kong mainitan, nagtanim ako ng talong sa ilalim ng puno ng sampalok. Ang sabi nya---huwag kang maghanap ng kanlong sa pagtatanim. Kahit sino, kahit anong oras ay kaya nating gumawa ng kanlong. Araw ang kailangan ng halaman, at hindi natin kayang gumawa nyan. Mas mahimbing ang tulog ng taong pagod kaysa sa nanlamang.
Malaking bagay kaya lumaki akong daring ay dahil stable figure ang Itay sa buhay ko. Ang tanging lalaking hindi ako lolokohin, sasaktan, iiwan o katatamarang sunduin kahit saan pa yan.
Noong naulinigan nyang may crush akong basketball player, pinaturuan nya akong magbasketball kay Kuya. Ika nya, mag-aral kang magbasketball para hindi ka taga-irit lang. Tinuruan nya akong magpalit ng sapatilya, magkabit ng tangke ng gasul, gumamit ng lyabe, vice grip, magrepair ng nakagiray na lamesa, maghasa ng itak, magsibak ng kahoy, magbalagwit at napakarami pa.
Minsang sinusuklayan nya ako ay ginupit na laang nya ang mga buhol sa buhok ko. Kako atag akong lagyan ng kulutan sa buhok ng kalaro ko. Pagkatapos nya akong suklayan ay niyakag nya ako sa likod at tinuruan akong magbinit. Mula noon, wala nang nangahas na mang-asar sa akin ng kulot salot.
Maglilimang taon nang hindi inihahatid ng kulog at kidlat ang Itay, ganyan katagal na rin akong hindi nagluluto ng ginulay na mais. Naipon na ang mga gusto kong itanong sa kanya, nagbago nang di hamak ang equivalent ng mga panukat namin- gasapok, isang yapos, ga-binti, lampos pulso.
***Hindi ko alam tapusin ito. Miss na miss ko na ang Itay.
--Kusisera
*Coined from Kusinero/a and usisero/a -- Curious chef o curious cook.