10/07/2025
Pahayag ng Partido Liberal
Ukol sa paninira laban kay Sen. Risa Hontiveros at sa hanay ng oposisyon
Kapag may umaalingasaw, may gustong magtakip. Kapag may imbestigasyong lumalalim, may biglang gumagawa ng ingay.
Habang papalapit na sa pusod ng katiwalian ang mga tanong sa Senado, sunod-sunod ang pag-atake sa mga lider ng oposisyon. Sa ngayon, si Senadora Risa Hontiveros ang pangunahing puntirya.
Tulad ng dati, ginagawang armas ang kasinungalingan: ibinubuga sa social media, inuulit ng mga troll, inuukit sa isip ng taumbayan ang mga imbentong istorya.
Pero hindi ito bago. Ginamit na ito noon laban sa mga whistleblower. Ginamit ito para baliktarin ang naratibo. Ginagamit ito ngayon para iligaw tayo sa tunay na isyu.
Let us call this what it is: a coordinated distraction.
Habang umaapaw ang baha sa Maynila, nalulunod ang taumbayan sa overpriced na flood control. Habang tumataas ang singil sa kuryente, umiinit ang galit sa gitna ng anomalya sa mga energy contracts. Habang wala pa ring hustisya para sa mga nawalan ng kabuhayan, biglang nabubusalan ang imbestigasyon.
At ano ang kasalanan ni Senadora Risa? Ang magtanong kung saan napunta ang pera. Ang paggiit ng accountability. Pagtindig, kahit binabatikos. She refuses to be silenced, because the truth has to be louder than the noise.
Ang ganitong paninira ay hindi simpleng pulitika. Isa itong taktika para takutin ang mga nagtatanong. Para patahimikin ang mga lider na may integridad. Para gawing leksiyon ang tapang ni Risa sa iba pang gustong magsalita.
Pero hindi kami natatakot. At lalong hindi kami tatahimik.
Buo ang suporta ng Partido Liberal sa mga lider-oposisyon na patuloy na nagsusulong ng katotohanan at katarungan. Hindi puwedeng maging normal ang ganitong klaseng kultura—kung saan ang nagsasabi ng totoo ang pinaiimbestigahan, at ang magnanakaw ang pinapalakpakan.
We stand with Senator Risa. We stand with every truth-teller in this country. We stand with Filipinos who demand honesty, not hypocrisy. Accountability, not alibis.
Hindi kami ang matatakot. Hindi kami ang mananahimik. Hindi kami ang uuurong. Kung may multong tinatamaan, hindi kami ang kailangang magdasal.
Erin Tañada, Pangulo, Partido Liberal ng Pilipinas